ILOILO CITY – Nag-deploy na ang Philippine Coast Guard ng mga personnel at oil spill mitigation assets sa Antique matapos nakumpirmang umabot na sa lalawigan ang malawakang oil spill mula sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Broderick Train, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa Antique, sinabi nito na apektado ng oil spill ang Sitio Sabang, Barangay Tinogboc sa bayan ng Caluya ngunit hindi pa matukoy kung ano ka-lawak ang pinsala.
15 na mga personnel mula sa Marine Environmental Protection Unit ng Philippine Coast Guard ang ipinadala sa Libertad na siyang closest point ng Panay island sa Semirara island.
Posible rin ayon sa Philippine Coast Guard na gagamitin ang mechanical recovery o ang oil skimmer upang ma-address ang sitwasyon.
Tinatayang nasa 68-70 nautical miles (125-129 kilometers) ang layo ng Antique mula sa karagatang sakop ng Balingawan Point, Naujan sa Oriental Mindoro kung saan lumubog ang motor tanker na MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel.
Minomonitor ngayon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang insidente upang makita ang posibleng pinsala nito sa marine biodiversity at ang epekto ng tumagas na langis sa kabuhayan ng mga residente malapit sa baybayin.