Umabot na raw sa Isla Verde sa Batangas ang oil spill mula sa lumubog na motor tanker sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG)-Batangas station commander Captain Victorino Acosta, kumpirmado raw na umabot na sa naturang lugar ang oil spill mula sa MT Princess Empress na lumubog noong Pebrero 28.
Aniya, oil sheens pa lang umabot doon pero may mga naanod pang langis kaya nagiging kulay itim na ang tubig.
Sa ngayon, patuloy daw na ina-assess ng PCG ang lawak ng oil spill sa Verde Isand shoreline.
Mino-monitor din umano nila ang sitwasyon sa ilang coastal areas sa Batangas gaya ng San Juan, Tingloy, Lobo at Calatagan.
Siniguro naman ni Acosta na handa ang naturang probinsiya sa paglalagay ng mga improvised oil spill booms at iba pang kagamitan.
Wala pa namang anunsiyo kung mayroong fishing ban sa Batangas at hindi pa naman apektado ang mga roll-on roll off (ro-ro) travel.