Nagtutulungan na ang mga otoridad at mga volunter upang ma-contain ang umano’y oil spill na nangyari sa San Pedro, Laguna.
Ayon sa San Pedro City LGU, nagsimula ito kasunod ng pagkasunog ng Kengian Complex sa Barangay San Antonio. Umabot sa 13 bodega ang nasunog kung saan sa isang bodega ay mayroong naka-imbak na 200 drum ng motor oil.
Ayon sa LGU, nagdeploy na ang oil spill coordinating council ng mga oil spill boom sa San Isidro River kung saan pinangangambahang kumalat ang tumagas na langis.
Sa ngayon ay napipigilan naman ang pagkalat ng langis ngunit binabantayan ng Philippine Coast Guard kasama ang mga Bantay Lawa Volunteer ang posibleng pagkaka-apekto ng sikat na Laguna lake at iba pang katubigan sa Laguna.
Nagsasagawa na rin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng mga water sampling upang matukoy ang kalidad ng tubig.
Nagsasagawa rin ang BFAR ng fish sampling sa mga isda sa San Isidro River upang matukoy kung apektado ang mga ito sa tumagas na langis.