-- Advertisements --
image 292

Napigilan na ang pagkalat ng oil spill sa Antique mula sa lumubog na motor tanker sa Oriental Mindoro at maaaring hindi na makarating sa mainland ng lalawigan, ayon sa isang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Antique Governor Rhodora Cadiao na ang mga drum ng langis ay nakolekta sa mga baybayin ng Caluya group of islands kung saan nakita ang mga patak ng oil slick sa isang aerial inspection.

Aniya, sinusuri na ngayon ng lokal na pamahalaan ang pinsala ng oil spill sa mga isda, seaweeds, at mangrove sa kanilang karagatan.

Isinailalim ang Caluya sa state of calamity matapos umabot sa tubig nito ang pagtagas ng langis.

Sinuspinde rin ang mga aktibidad sa pangingisda sa ilang isla ng naturang munisipyo.

Kung matatandaan, ang Office of the Vice President (OVP) ay nakiisa sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng emergency cash assistance sa mga apektadong residente ng Caluya.

Ito ay sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation at ang Relief for Individuals in Crisis and Emergency.

Ang MT Princess Empress ay lumubog noong Pebrero 28 sa Naujan habang may kargamentong 800,000 litro ng industrial fuel.

Bukod sa Oriental Mindoro at Antique, umabot na rin sa Palawan ang malawakang oil spill.

Una na rito, humingi ng paumanhin ang may-ari ng motor tanker na RDC Reield Marine Services sa mga naaapektuhan ng oil spill at nangakong tutulong sila sa paglilinis nito.