-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kontrolado na ang oil spill na umabot sa Caluya, Antique mula sa lumubog na oil tanker sa Oriental, Mindoro.

Ayon kay Kier Domingo, Public Relations Officer II ng lokal na pamahalaan ng Caluya na wala nang napabalitang pagkalat ng langis sa iba pang bahagi ng coastal areas sa lugar.

Na-monitor ang oil spill sa mga baybaying sakop ng Sitio Sabang, Brgy. Tinogboc, Liwagao Island , Brgy. Sibolo, at Sitio Tambak sa Brgy. Semirara sa Caluya.

Nagpapatuloy pa sa ngayon ang pag-bayanihan ng mga residente, Philippine Coast Guard at iba pang kaukulang ahensiya ng gobyerno upang malinis ang mga tumagas na langis gayundin ang paggawa ng improvised oil spill boom.

Nagpadala na umano ang LGU-Caluya ng mga drum at containers na paglalagyan ng nakolektang mga langis.

Araw-araw rin umanong nagsasagawa ng assessment ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pinsala sa karagatan ng oil leak at maaring makapalabas ng post evaluation report sa susunod na mga araw.

Batay sa record , 10 pamilya ang inilikas mula sa mga apektadong lugar dahil sa masangsang na amoy.

Ang MT Princess Empress ay lumubog na may kargang 800,000 liters ng industrial fuel oil habang naglalayag sa maalong karagatan ng Naujan sa Oriental Mindoro noong Pebrero 28.