-- Advertisements --

Naglagay na ang Philippine Coast Guard ng mga oil spill boom para makontrol ang lalo pang paglawak ng pinsala ng oil spill sa Laguna.

Maalalang nasunog ang Kengian Complex Warehouse sa San Pedro City at malaking bulto ng petrolyo ang pinangangambahang umagos patungo sa San Isidro River.

Ayon sa PCG, hanggang 1,000 litro ng petrolyo ang pinangangambahang pumasok sa naturang katubigan at tinatayang naka-apekto na sa mahigit 100 square meter ng naturang ilog.

Umabot na sa 50 meters ng oil spill boom ang nailagay para makontrol at malikom ang tumagas na langis at mapigilan itong pumasok pa sa Laguna de Bay, isa sa mga pangunahing nagsusuply ng malinis na tubig at mga isda sa Calabarzon at Metro Manila.

Ang oil spill ay namonitor lamang 800 meters mula rito.

Mula nang sinimulan ang operasyon para makontrol ang oil spill, nakakuha na ang PCG at iba pang kasamang ahensiya ng kabuuang 22 drums ng mga tumagas na langis mula sa ilog.

Una na ring nagsagawa ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng fish at water sampling sa naturang ilog upang matukoy ang kalidad ng mga ito at matiyak na ligtas para sa mga komunidad.