Kinumpirma ng Embahada ng Estados Unidos sa Maynila ngayong araw na dumating na sa Pilipinas ang US commercial tanker na pinaniniwalaan ni Senator Imee Marcos na maglilipat ng 39 milyong galon ng gasolina mula sa military facility ng US sa Red Hill, Pearl Harbor, Hawaii patungo sa bansa.
Ayon kay Kanishka Gangopadhyay, ang tagapagsalita ng embahada na nasa bisinidad ng Subic bay ang commercial tanker na Yosemite Trader.
Ang kumpirmasyong ito ng opisyal ay kasunod ng hinala ni Sen. Marcos, chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, tungkol sa presensya ng tanker, at sinabing ito ay isang pre-positioning ng mga suplay ng militar ng US sa ating bansa sakaling magkaroon ng digmaan.
Base sa ilang international shipping trackers, sinabi ng Senadora na dumating ang tanker sa Pilipinas noong Enero 9 at mula noon ay nanatili sa posisyon nito na 50 kilometro sa kanluran ng Subic Bay.
Ngunit nilinaw naman ng US embassy official na ang aktibidad ng tanker ay isa lamang sa maraming shipments ng ligtas na clean fuel mula sa pasilidad ng Red Hill patungo sa ibang mga lokasyon sa Pasipiko.
Samantala, hindi naman kinumpirma ng opisyal kung tutulong ang naturang commercial tanker sa paglilipat ng kabuuang 39 milyong galon ng gasolina mula sa US.- EVERLY RICO