-- Advertisements --

Pinangalanan si Oklahoma City Thunder center Steven Adams bilang isa sa mga bubuo sa provisional squad ng New Zealand para sa 2019 FIBA World Cup sa China.

Kasama ang pangalan ni Adams sa listahan ng 25 players na isinumite ng New Zealand sa international governing body ng basketball.

Tatapyasin pa sa 12 ang nasabing bilang para sa naturang world tournament na magsisimula sa Agosto 31.

Gayunman, hindi inaasahang maglalaro si Adams dahil sa matagal na nitong gusot sa Basketball New Zealand.

Pero wala pa namang pahayag si Adams, na tanging NBA player ng New Zealand, hinggil sa hakbang nito tungkol sa pagsali sa World Cup.

Sinabi ni New Zealand coach Paul Henare, patuloy ang regular na komunikasyon ng Basketball New Zealand sa management ni Adams.

“Obviously we would love to have him but ultimately that decision comes down to Steve,” wika ni Henare.

Una rito, idinaraing ni Adams ang natanggap nitong pagtrato mula sa kanilang national basketball governing body noong ito’y batang manlalaro pa lamang.

Sinasabing ang sama ng loob ni Adams ang dahilan sa hindi pa nito paglalaro para sa New Zealand sa mga international competitions.