-- Advertisements --

Dalawang panalo na lamang ang kailangan ng western conference top team na Oklahoma City Thunder upang tuluyang umusad sa semifinals.

Ito ay matapos muling duminahin ng OKC ang Game 2 laban sa Memphis Grizzlies at ibulsa ang 19-point win, 118 – 99.

Pinigilan ng Thunder ang 2nd half comeback ng Memphis na nagpumilit burahin ang 18-point deficit sa unang bahagi ng laban.

Nagawa ng Memphis na ibaba ito sa 11 points sa pagtatapos ng 3rd quarter ngunit agad pinutol ng Thunder ang momentum ng kalaban matapos muling duminahin ang huling quarter, 28 – 20.

Sa lahat ng aspeto ng laban, dominante ang naging performance ng Thunder kung saan nagawa nilang iposte ang 45 made shots kumpara sa 39 ng Memphis.

Sa 3-pointers, 15 ang naipasok ng top team habang sampu lamang ang naisagot ng Grizzlies. Maging sa free throw at paint area ay hawak din ng Thunder ang bentahe.

Sa depensa, nagawa ng Thunder na kumamada ng 55 rebounds habang 42 lamang ang naisagot ng Memphis. Duminado rin ng OKC ang block, steal, at assist, habang pinuwersa nito ang kalaban na gumawa ng 14 turnover kumpara sa pito nitong nagawa.

Gaganapin ang Game 3 at Game 4 sa FedExForum, ang homecourt ng Memphis. Dito ay may pagkakataong itabla ng koponan ang serye sa 2 – 2 sa harapan ng homecrowd.

Gayonpaman, kung aabot sa Game 5 ay muling babalik sa homecourt ng Thunder habang ang Game 6 ay muling gaganapin sa court ng Grizzlies.