Kapwa sumailalim sa matagumpay na mga surgery sina Oklahoma City Thunder stars Russell Westbrook at Paul George upang ayusin ang kani-kanilang mga injuries.
Sa anunsyo ng team, inoperahan si Westbrook upang ayusin ang ligament sa kanyang kaliwang kamay, at sumailalim din sa isang arthroscopic procedure sa kanan nitong tuhod.
Inaasahan namang babalik sa normal na kondisyon at makakapaglaro nang muli ng basketball ang 2016-17 NBA MVP sa loob ng tatlong linggo.
Samantala, sumailalim naman si George sa isang elective surgery sa kanyang kanang balikat upang ayusin ang napunit na tendon.
Sasalang din ito sa isa pang surgery sa kanyang kaliwang balikat para naman ayusin ang napunit nitong labrum.
Bagama’t walang ibinigay na timetable ang club kung kailan makakabalik si George, sinabi ng Thunder na magbibigay sila ng update bago ang 2019-2020 season.
Nagrehistro ng average na triple-double si Westbrook para sa ikatlong sunod na taon (22.9 points, 11.1 rebounds, 10.7 assists), na siyang unang player sa NBA history na nakagawa nito.
Habang may career high na 28 points, 8.2 rebounds, 4.1 assists, at 2.21 steals naman si George.