Nagpakitang gilas si Victor Oladipo gamit 11 points sa kanyang unang laro sa Miami Heat makalipas ang halos isang taon dahil sa injury.
Inabot din siya ng 15 minutos sa court upang mag-ambag sa panibagong panalo ng Heat laban sa Houston Rockets, 123-106.
Huling naglaro si Oladipo noon pang April 8 at sumailalim ito sa ikalawang surgery upang ma-repair ang right quadriceps tendon.
Top scorer naman sa team si Tyler Herro kung saan naipasok niya ang 21 points sa second quarter mula sa kabuuang 31 points.
Hindi rin naman nagpahuli si Jimmy Butler na kumamada ng 21 points para sa Miami, habang si Kyle Lowry ay nagbalik na rin makalipas ang apat na games na hindi nakalaro bunsod ng personal na kadahilanan.
Si Bam Adebayo naman ay nagtapos sa 18 points at 10 rebounds para sa Heat.
Ang nangungulelat na Houston (16-49) ay nasayang ang ginawa ni Kevin Porter Jr. na may 22 points at 20 puntos din naman kay Jalen Green.