Magsasagawa na ng disinfection/sanitation sa court premises ng Old Ombudsman Building na matatagpuan sa Maynila dahil pa rin sa pagpositibo ng isang public prosecutor ng Mandaluyong City sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na pumasok sa naturang gusali.
Ayon kay Supreme Court (SC) Spokesman Brian Hosaka, ang lahat ng korte na nasa Manila Hall of Justice Ombudsman building ay isasailalim sa disinfection.
Kaya naman ila-lockdown na ang naturang gusali at walang papapasukin sa loob ng 14 araw simula ngayong araw hanggang June 29.
Sa isang memorandum, sinabi naman ni Executive Judge Carissa Anne Manook-Frondozo na lahat ng mga empleyadong nag-oopisina sa naturang gusali ay sasailalim sa self-quarantine para maiwasan ang ang contact sa iba pang tao.
Sa ngayon nagsasagawa na rin ng contact tracing sa lahat ng mga nakasalamuha ng naturang prosecutor.
Inatasan din ang lahat ng mga empleyadong magkakaroon ng sintomas ng COVID-19 na agad nilang ipaalam ang kanilang kondisyon sa mga barangay health workers sa kanilang lugar.
Habang nakasara naman ang mga apektadong offices ay magpapatuloy pa rin ang kanilang mga operasyon sa pamamagitan ng teleconferencing at ang mga pleading ay tatanggapin din online.
Matatagpuan sa Old Ombudsman building, ang salas ng ilang branches ng Manila Regional Trial Court (RTC) at Metropolitan Trial Court (MeTC).
Samantala, naglabas na rin ng memorandum si Mandaluyong Acting Executive Judge Ofelia Calo sa lahat ng RTC at MTC Mandaluyong judges at personnel at lahat ng mga empleyado na isasailalim din ng lockdown ang Mandaluyong New Hall of Justice.
Sa Office of the City Prosecutor ng Hall of Justice ng Mandaluyong City nanggaling ang naturang prosecutor na nagpositibo sa covid.
Dahil dito, inatasan din ng korte ang lahat ng kanilang mga personnel na sumailalim sa self-quarantine.