NAGA CITY – Pinaghahandaan na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Camarines Norte na gawing “world class” ang itinuturing na pinakamatandang monumento para kay Jose Rizal na matatagpuan sa bayan ng Daet.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Abel Icatlo, provincial museum curator at historian, sinabi nitong kasama na ngayon sa nakahanay na mga programa na target ng Provincial Government na gawing World Class Monument at tourist destination ang naturang lugar.
Ayon kay Icatlo, pinaghahandaan na rin na magkaroon ng pondo para sa nasabing plano.
Nabatid na 122 taon na rin ang nasabing bantayog kung saan mahigpit itong binabantayan ng mga otoridad dahil sa report na ilang mga grupo ang sinubukan itong hukayin sa paniniwalang may gintong nakatago sa ilalim nito.
Samantala, nitong Biyernes ng umaga, isang simple at maikling seremonya lamang ang ginawa sa nasabing monumento bilang bahagi ng pagsunod sa health protocols dahil sa banta ng coronavirus disease.