Inilabas na ng Philippine National Police (PNP) ang Top 5 na siyudad sa buong bansa na may mataas na bilang ng krimen at pinakamaraming gumagamit ng iligal na droga.
Mismong si PNP chief D/Gen. Oscar Albayalde ang naglabas ng nasabing mga siyudad, na kinabibilangan ng: Santiago City, Isabela; Olongapo City; Angeles City; Puerto Princesa City, Palawan; at Naga City.
Ayon kay Albayalde, sa mga nabanggit na siyudad ay pinakatalamak umano ang paggamit ng iligal na droga kaya may pagtaas sa bilang ng mga krimen.
Sinabi ni Albayalde, ang bagong listahan na mayroon ang PNP ay base sa isinagawang recalibration ng war on drugs at sa mas pinaigting na kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.
Bunsod rin umano ito ng pag-update ng mga bagong barangay captains na bahagi ba rin ng Barangay Anti Drug Abuse Council (BADAC) na binuo para makatulong sa isasagawang oplan Tokhang.
Ipinagmalaki din ng opisyal ang kanilang mga naging accomplishments, gaya ng pagsabat sa mga malalaking halaga ng shabu na patubay na epektibo ang kanilang bagong pamamaraan laban sa kampanya sa iligal ba droga.
Paglilinaw naman ni Albayalde na hindi rin nito isinasantabi na dumarami na rin ang gumagamit ng cocaine ngayon dahil hirap na ang suplay ng shabu.