ILOILO – Pamilyar na sa Olympian Filipina boxer na si Irish Magno ang sunod nitong makakaharap sa semifinals ng 54-kg category sa women’s boxing sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Magno na tubong Janiuay,Iloilo, sinabi nitong bukas, Mayo 9, muli niyang kakalabanin ang Indonesian boxer na si Novita Sinadia na una na niyang tinalo sa women’s flyweight semifinals sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Ayon kay Magno, ito na ang pangatlong bes na maghaharap sila ng Indonesian boxer sa ring.
Sabado ng unang sumabak si Magno sa women’s boxing 54-kg at tinalo si Nan A Mwe Hom ng Myanmar via unanimous decision.
Aniya, todo-ensayo ngayon ang Philippine boxing team at tatangkain na ma-improve ang record sa nakaraang SEA Games sa Vietnam kung saan nakakuha ang Filipino boxers ng apat na gold, isang silver, at apat na bronze medals.
Si Magno ay ilang beses nang kumatawan sa Pilipinas sa naturang biennial multi-sport event at siya rin ang unang Filipina boxer na ipinadala ng bansa sa Olympics.