CAGAYAN DE ORO CITY – Naglaan ng isang simpleng pagtitipon si 2020 Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam sa mga boksingero ng Cagayan de Oro City Amateur Boxing Team kung saan siya nagmula.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na muling nakasama ni Paalam ang kanyang mga kapwa boksingero matapos nagwagi sa Tokyo Olympics.
Ikinuwento ni Paalam ang kanyang mapait na nakaraan at karanasan sa buhay kung saan kumukuha lamang ng basura upang makayanan lamang ang pang-araw-araw na pagkain ng kanyang pamilya.
Dagdag nito, hindi madali ang kanyang buhay ngunit nagbago ang lahat nang umabot siya sa edad na siyam matapos na ma-recruit ni coach Elmer Pamisa sa amateur boxing program.
Kaya naman, pinayuhan ni Paalam ang mga kapwa boksingero na walang imposibleng makamit ang kanilang mga pangarap at mithiin sa buhay kung magkaroon lamang ng sipag, pagsisikap at disiplina sa sarili.
Ang tagumpay ni Paalam sa Olympics ay tagumpay din para sa koponan ng amateur ng Cagayan de Oro at nagsilbing inspirasyon sa iba pang mga boksingero.