KORONADAL CITY – Patatayuan ng rebulto ng Local Government Unit (LGU) ng Zamboanga City ang Olympian Gold Medalist na si Ms. Hidilyn Diaz bilang pagkilala sa malaking karangalan na ibinigay nito sa bansa.
Ito ang inihayag ni Zamboanga City Councilor Elbert Bong Atilano, at director ng Sports Association sa Zamboanga City sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Atilano, pasado na ang resolusyon na ipinasa nito sa Sangguniang Panlungsod ng Zamboanga sa pagpapatayo ng rebulto ni Hidilyn na may logo ng Olympics sa Sports Complex o sa matataong lugar na palaging makikita ng mga kabataan.
Dagdag pa ni Atilano, magsisilbing inspirasyon para sa lahat ang nasabing rebulto kaya’t isinulong niya ito.
Maliban ditto, napakaraming mga bandila at tarpaulin ni Hidilyn na rin ang makikita sa mga gusali sa buong lungsod habang inaabangan ang pag-uwi nito.
Ngunit, ayon kay Atilano, dalawang buwan pa ang hihintayin ng mga Zamboangeno upang makitang muli si Hidilyn at maisagawa ang inihahanda nilang heroes welcome.