Kinumpirma sa Bombo Radyo ni Samahan ng Weightlifting ng Pilipinas (SWP) President Monico Puentevella na ngayong Linggo darating din ng Japan ang dalawang pambato ng Pilipinas sa weightlifting na si dating Rio Olympics silver medalist Hidlyn Diaz at Elreen Ando.
Si Hidilyn ay manggagaling ng Malaysia na mahigit isang taon na ring nagti-training ay didiretso muna ng Pilipinas bago lumipad patungo ng Tokyo.
Habang si Ando naman ay magmumula dito sa Pilipinas.
Ayon kay Puentevella, bagamat malaki ang tiyansa ngayon ni Diaz na muling makasungkit ng medalya, hindi lang niya sigurado kung sa gold, silver o bronze.
Pero inaasahan daw niya na babandera si Diaz lalo na at matagal na rin itong sumasabak sa Olimpiyada.
Aniya, kung handang handa na raw si Hidilyn, 30, maging ang mga kalaban ay matindi rin naman ang dinaanang training.
Ang China pa rin daw ang pinakamahigpit na kalaban ng Pilipinas sa larangan na ito.
Tulad ng mas batang si Ando, 22, meron pang dalawang magagaling na upcoming weightlifter ng Pilipinas na maaaring magmana sa pagiging reyna ni Hidilyn sa mga susunod na Olympics.
Samantala sina Puentevella ay susunod namang tutungo ng Japan sa Miyerkules.