-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Kailangan na umanong makauwi ni 2020 Tokyo Olympics boxing silver medalist Carlo Paalam pabalik sa kanyang pamilya sa Cagayan de Oro City.

Ito ay upang sumailalim sa operasyon dahil sa iniinda nitong karamdaman sa kanyang kaliwang kamay at balikat na nakuha niya noong hinarap niya ang boksingerong Hapon sa semi-final round sa Japan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni coach Elmer Pamisa na bago pa man nagkaharap sina Paalam at ang gold medalist na Briton sa kanilang final match ay dala-dala na nito ang diperensiya sa kanyang kamay at balikat.

Sinabi ni Pamisa na bagamat kayang-kaya ng kanyang alaga ang taglay na lakas ng Briton subalit mas naunahan sila at nakuha nga ng kabila ang puntos sa Round 1.

Dagdag nito na makikita naman na mga sumunod na rounds ng laban ng dalawa ay nakuha pa nila ang pabor na puntos subalit hindi nga lang natapatan ang knockdown deficit kaya split decision ang hatol ng judges.

Kaugnay nito, binanggit ni Pamisa na kailangan talaga na sasailalim si Carlo sa isang operasyon upang makasali pa ito sa Asian at Southeast Asian Games sa mga susunod na taon.

Si Carlo ay ang pinakabata sa RP boxing delegation na ipinadala sa Japan at pumapangalawa na Olympian na nagmula sa Cagayan de Oro dahil una nang kumakatawan para sa Pilipinas noon si late welterweight boxer Mariano Velez Jr. sa 1948 London Olympics.