-- Advertisements --

Ipinagpaliban na rin ang gaganaping final qualifying event ng baseball para sa Tokyo Olympics sa buwan ng Abril dahil sa mga pangamba sa outbreak ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa anunsyo ng World Baseball Softball Conference, ang qualification event na naka-schedule sa Taiwan mula Abril 1-5 ay kanilang inurong sa Hunyo 17-21.

Ito raw ay para matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga manlalaro, personnel, at ng mga manonood nang sa gayon ay mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa kasalukuyan ay nasa 40 kaso ang naitala sa Taiwan kung saan isa rito ang namatay.

Ang second- at third-place teams sa Americas qualifying tournament sa Arizona mula Marso 22-26 ay uusad sa final qualifying tournament sa Taiwan.

Naging Olympic event ang baseball mula 1992 hanggang 2008, at ibinalik ngayong Tokyo Games.