Kinumpirma ng FIBA na idaraos na sa Hunyo 29 hanggang Hulyo 4 ang ni-reschedule na mga laro sa men’s Olympic basketball qualifying tournament.
Anunsyo ito ng FIBA matapos ang naging diskusyon nila sa International Olympic Committee (IOC).
Sa pahayag ng basketball governing body, kasama sa consultation process ng FIBA sa IOC ang workload ng mga players, paghahanda ng national team, at kalendaryo ng national league.
Kaugnay pa rin ito sa apat na qualifying tournaments sa Croatia, Lithuania at Serbia dahil iginawad ng FIBA Executive Committee sa nasabing mga national federation ang hosting rights noong 2019.
“The IOC has exceptionally approved these dates due to these factors and also the extraordinary circumstances that have occurred with the rescheduling of the Tokyo Olympic Games,” saad sa pahayag ng FIBA.
Maghaharapan ang 24 men’s national teams sa apat na mga qualifying tournaments.
Apat na mga koponan na ang direktang nakwalipika sa Games batay sa naging performance nila sa 2019 FIBA Basketball World Cup.
Ang magwawagi naman sa apat na mga torneyo ang makakausad sa Tokyo Olympics, na ni-reschedule na sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8, 2021.