Nakabuwena mano ng panalo sa kanyang kauna-unahang professional fight ang amatuer boxing champion ng Pilipinas at national team member na si Eumir Marcial.
Ito ay makaraang magwagi siya via unanimous decision laban sa American boxer na si Andrew Whitfield na ginanap kanina kaugnay ng kanilang 4-rounds middleweight fight sa Microsoft Theater sa Los Angeles.
Sa tatlong scorecards ng mga boxing judges ibinigay lahat sa Pinoy boxer, 40-36.
Pagkatapos ng laban makikitang nagtamo ng black eye sa kanan si Whitfield dahil sa pagpuntirya rito ni Marcial.
Pati mga body punches ni Marcial ay pasok na pasok sa katawan ng American boxer.
Pero nagpakita ng tibay si Whitfield na isang dating MMA fighter at may professional record na 3-1, 2KOs.
Sabi ng ilang boxing analyst “sharp at one sided ang naganap na laban.”
Bago umakyat ng ring, sinabi ni Marcial na ibibigay niya bilang regalo sa birthday ang panalo para sa kanyang manager na si Sen Manny Pacquiao, 42.
Una nang pumirma si Marcial ng anim na taon na kontrata sa ilalim ng Manny Pacquiao Promotions.
Noong buwan ng Oktubre ay tumungo siya ng Amerika upang sumailalim sa training ng legendary coach ni Pacman na si Freddie Roach sa Wild Card Gym.
Ang 25-anyos na si Marcial ay isa sa inaasahan ng Pilipinas na makakasungkit ng kauna-unahang Olympic gold medal sa buwan ng Hulyo sa susunod na taon sa Tokyo, Japan.
Kahapon sa ginanap na official weigh-in tumimbang si Marcial sa 162.4 pounds habang mas mabigat naman si Whitfield sa 165.8 pounds.