PASAY CITY – Hangad pa rin ng 2016 Olympian na si Charly Suarez na sumabak muli sa Olympiyada sakaling muling mabigyan ng pagkakataon kahit na pumasok na siya sa professional ranks.
Kasalukuyang lumalaban si Suarez sa 30th Southeast Asian Games sa lightweight category (60kg) bilang bahagi ng Philippine team.
Una ang pinabagsak ng tubong San Isidro, Davao del Norte boxer ang pambato ng Myanmar na si Paing Min Arkar sa second round ng kanilang quarterfinals match upang makausad sa semifinals kung saan makakabangga niya naman ang Vietnamese na si Thanh Dat Vu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Suarez na hindi niya inaasahan na mapabagsak si Arkar dahil hangad lamang nito na malamangan sa puntos ang kalaban.
Bilang professional boxer, mayroong perpektong kartada si Suarez na 3 wins, 3KO’s.
Nakatakdang lumaban muli sa pro ranks ang two-time SEA Games gold medalist sa susunod na taon.
Tiniyak naman ng 31-anyos na boksingeero na hindi nakakaapekto sa kaniyang professional career sa muling pagsabak sa amateur boxing dahil nakukuha niya ring maibalanse ang kaniyang oras. (story by Bombo Donnie Degala)