Miyembro na ng Philippine Navy Reserve Force ang 2-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo.
Opisyal na nanumpa si Yulo bilang Petty Officer 1st Class noong Lunes sa headquarters ng PH Navy.
Ayon sa Pinoy Gymnast, proud siyang mabigyan ng naturang pribilehiyo na ma-enlist sa PH Navy Reserve Force, isang pagkilala na hindi aniya inaasahan.
Saad pa ni Yulo na ikinagagalak niya nang may buong pagmamalaki ang pagsusuot ng uniporme ng PH Navy at pinasalamatan din niya ang Navy para sa prestihiyosong pagkilala. Sinabi naman ni Yulo na kaniyang ia-uphold ang core values ng Navy at magiging inspirasyon sa mga kabataan na ipakitang sa pamamagitan ng sports, kaya rin nilang magsilbi sa ating bansa.
Sa isang mensahe naman na ipinaabot ni Philippine Navy Flag Officer In Command, Vice Adm. Toribio Adaci Jr., kaniyang pinuri ang golden boy at sinabing kumpiyansa siyang gagawin din ni Yulo bilang isang reservist ang ipinamalas niyang dedikasyon, disiplina at drive para maging kampeon sa world stage, kasama ang mga kababaihan at kalalakihan ng PH Navy na nagaalay ng kanilang buhay para protektahan ang bansa.
Matatandaan na naiuwi ni Yulo ang 2 medalya sa floor exercise at vault apparatus sa Gymnastics sa 2024 Paris Olympics.