Maagang pinagtibay ngayon ng mga bansa sa buong mundo ang United Nations Resolution para sa pagsunod sa Olympic Truce kasabay ng Olympic at Paralympic Games sa Beijing, China na gagawin sa Pebrero ng susunod na taon.
Umaabot sa 173 na mga member states ang sumang-ayon na itigil muna ang mga gulo at awayan sa panahon na isinasagawa ang Winter Olympics o pitong araw bago ito magsimula sa February 4, 2022 hanggang sa pitong araw matapos naman ang Paralympics Games.
Hinihiling ng UN resolution sa lahat ng mga bansa na makibahagi sa nilalayon ng International Olympic Committee (IOC) na gawing sandata ang sports para sa promosyon ng kapayapaan at reconciliation.
Ang Olympic Truce ay naging tradisyon na at umaabot na sa 3,000 taon na nagsimula noon pang Ancient Greeks kung saan nag-ugat ang Olympiyada sa bansang Greece.