Posibleng tuluyan nang makansela ang ipinagpaliban nang Tokyo Olympics sakaling hindi pa rin makontrol ang coronavirus pandemic sa susunod na taon.
Ayon kay Tokyo 2020 organizing committee president Yoshiro Mori, hindi na raw kasi maaari pa na muling i-postpone ang Summer Games.
Nang matanong si Mori kung posibleng mausog pa hanggang 2022 ang Olympics sakaling magiging banta pa rin ang coronavirus, sinabi ng opisyal na wala na raw ibang paraan pa kundi kanselahin na lamang ito.
Sakali namang matagumpay na mapigilan ang pagkalat pa ng COVID-19, inihayag ni Mori na tuloy na tuloy na raw ang Olympics sa susunod na summer.
Matatandaan na noong Marso nang mapilitan ang Japanese organizers at ang International Olympic Committee na ipagpaliban ng isang taon ang Summer Games, dahil na rin sa pressure mula sa mga atleta at mga sports associations.
Nitong nakalipas na linggo nang ihayag naman ng pinuno ng Japan Medical Association na magiging malaking problema raw ang pagsasagawa ng Olympics kung wala pang magawang bakuna laban sa deadly virus.
“I would not say that they should not be held, but it would be exceedingly difficult,” sambit ni Yoshitake Yokokura.