Iimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang umano’y pag-isyu ng lehitimong PH passport at government IDs sa mga banyaga.
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, kanilang iimbestigahan ang mga sangkot na indibidwal at kung ano ang mga nalabag na batas.
Nakikita ng Ombudsman ang posibleng mga paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sinabi ng Ombudsman na maaari silang magsagawa ng motu proprio investigation sa naturang usapin gaya ng kanilang ginawa sa umano’y maanomaliyang onion supply deal.
Ginawa ni Ombudsman Martires ang pahayag sa pagtatanong ng media hinggil sa isyu na nauna ng nabulgar sa Senate plenary debates sa 2024 national budget at sa pag-isyu ng lehitimong government IDs sa mga banyagang manggagawa sa ni-raid na POGO firm sa lungsod ng Pasay.
Ayon sa mga awtoridad, nagpanggap na mga Pilipino ang mga banyaga sa pamamagitan ng pagpresenta ng authentic at genuine PSA birth certificate kalakip ang valid government-issued ID cards na kailangan sa aplikasyon para maisyuhan ng pasaporte.