Hiniling ni Ombudsman Samuel Martires sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na maghain ng reklamo laban kay Bamban Mayor Alice Guo kalakip ng kaukulang mga dokumento para masuri at maimbestigahan ang mga alegasyon laban sa alkalde.
Ito ay matapos na irekomenda ng DILG sa Ombudsman na mag-isyu ng preventive suspension order sa alkalde para mapigilang maimpluwensiyahan ni Mayor Guo ang nagpapatuloy na imbestigasyon ng mga ahensiya ng gobyerno dahil walang kapangyarihan ang DILG na direktang suspendihin o i-dismiss ang lokal na opisyal.
Ayon sa Ombudsman, sumulat sa kaniya ang DILG subalit ang natanggap ng kaniyang opisina ay fact-finding report ngunit walang sinabi tungkol sa kung ano ang kailangang gawin.
Hindi rin pinirmahan ang kopiya ng ulat ng DILG na natanggap ng Office of the Ombudsman.
Matatandaan noong Biyernes, sinabi ni DILG Sec. Benhur Abalos Jr. na bumuo ang kanilang kagawaran ng isang task force para imbestigahan ang kaugnayan ni Guo sa mga iligal na aktibidad ng POGO firm sa kaniyang bayan.
Samantala, ipagpapatuloy naman ang mga pagdinig sa Senado kaugnay sa umano’y illegal POGOs sa Bamban sa araw ng Miyerkules.
Kung saan base sa abogado ng alkalde, dadalo sa mga pagdinig si Mayor Guo.