Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak sa pwesto kay Porac Mayor Jaime Capil matapos mapatunayang nagkaroon ng gross neglect of duty o kapabayaan may kinalaman sa sinalakay na illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa naturang bayan.
Base sa desisyon na may petsang Abril 3, sinabi ng Ombudsman na ang inisyung business permit ni Capil sa Lucky South 99 para makapag-operate ito bilang POGO sa Porac sa loob ng tatlong taon ay maituturing na “highly irregular at unlawful” dahil sa patent defects.
Nabigo din aniya si Capil na i-monitor, i-supervise at pigilan ang mga iligal na aktibidad sa POGO hub. Ang mga ito aniya ay lantarang pagpapatibay ng mga paglabag na nagawa ni Capil.
Maliban naman sa dismissal, ipinag-utos din ng Ombudsman ang pagbawi sa retrirement benefits ni Capil at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Sinabi din ng Ombudsman na sakaling hindi na maipapataw ang parusang dismissal dahil sa pag-alis ng respondent mula sa serbisyo, ang alternatibong parusa ay multa na katumbas ng kaniyang sahod sa loob ng isang taon at maaaring ibawas mula sa kaniyang retirement benefits, accrued leave credit o anumang natanggap mula sa kaniyang opisina. Gayundin patuloy na ipapataw ang mga karagdagang parusa na kalakip ng pangunahing parusa.
Samantala, ibinasura naman ng Ombudsman ang kasong administratibo para sa neglect of duty laban kay dating Porac Vice Mayor Francis Tamayo at iba pang miyembro ng Sangguniang Bayan.
Kung babalikan, nauna ng sinuspendi si Capil kasama ang iba pang mga lokal na opisyal matapos mabigo ang mga ito na maayos na mapamahalaan ang pag-iisyu ng business permit at hindi pagtugon sa mga ulat kaugnay sa mga iligal na aktibdiad ng POGO sa kanilang nasasakupan.
Nag-ugat ito sa inihaing reklamong administratibo ng Department of the Interior and Local Government (DILG).