Pumalag si Ombudsman Samuel Martires sa mga paninisi na kanyang natatanggap matapos na imungkahing amiyendahan ang batas hinggil sa Satatement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) kabilang na ang pagsusulong nang pagpapakulong sa mga magkokomento sa SALN ng mga opisyal at kawani ng gobyerno.
Hindi aniya niya maintindihan kung bakit siya ang itinuturo sa ngayon at sinisisi sa paglabag sa transparency.
Iginiit ni Martires na hindi lahat ng SALN ng mga empleyado at opisyal ng gobyerno ay nasa Office of the ombudsman, at karamihan sa mga repositories ay mayroon din namang sariling guidelines ukol dito.
Mababatid na bukod sa Office of the Ombudsman, ilan pa sa mga repositories ng SALNs ay ang Kamara, Senado, at ang Korte Suprema.
Pero ang mga repositories na ito ay hindi naman nagsumite ng draft bill sa Kongreso na magpapataw ng parusa sa indibidwal na magbibigay ng komento sa SALN ng isang public officials, kabilang na ang parusang pagkakabilanggo.
Nauna nang sinabi ni Martires na ang kanyang opisina ang siyang tumatanggap sa SALN ng ilang mga opisyal tupad ng sa presidente, vice president, chairman ng mga constitutional commissions, ng deputy ombudsman, local elective officials, ilang military at police officers, at presidente ng mga state universities.