-- Advertisements --

Nakahanap ang Office of the Ombudsman ng probable cause para idiin si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Ma. Rowena Guanzon para sa 2 bilang ng paglabag ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Sa resolution ng Ombudsman, nakasaad na premature pa ng isiwalat umano ni Guanzon ang confidential na impormasyon sa 2 panayam nito.

Matatandaan na si Guanzon ang presideing commissioner noon ng Comelec First Division na humawak sa disqualification cases laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang tumatakbo pa lamang ito sa pagkapangulo noong 2022 elections.

Kung saan sa isang panayam sa telebisyon ng dating Commissioner noong Enero 27, 2022, kaniyang isiniwalat na bumoto siya para idiskwalipika si BBM mula sa nakalipas na halalan.

Ikalawa ay noong Enero 28, 2022, sa isa na namang panayam kay Guanzon, kaniyang pinagalanan ang ponente in charge sa pagsulat ng resolution na si Comelec Commissioner Aimee Ferolino at tinalakay ang kaniyang hiwalay na opinyon.

Bunsod nito, ayon sa Ombudsman bigo ang respondent na patunayang hindi maituturing na confidential information ang kaniyang isiniwalat na mga impormasyon.

Samantala, ibinasura naman ng Ombudsman ang akusasyon ng complainant na nilabag ni Guanzon ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Ito ay matapos na mabigo umano ang complainant na magpresenta ng katibayan na na-motivate ang respondent ng private interes o nagbigay ito sa anumang private party ng unwarranted benefits na nag-udyok sa kaniya para isiwalat ang impormasyon.

Wala din aniyang katibayan na intensiyon ng respondent na malagay sa alanganin ang interes ng publiko dahil sa disclosure nito sa mga impormasyon.

Ibinasura din ng Ombudsman ang alegasyon ng complainant na si Atty. Ferdinand Topacio, at alegasyon ng iba pang complainant na si Diego Magpantay kaugnay sa palabag umano ni Guanzon sa Revised Penal Code Article 229 hinggil sa “revelation of secrets by an officer.”