
Napatunayan ng Ombudsman na guilty si dating National Irrigation Administration (NIA) Administrator Benny Antiporda sa panghaharass at pangaapi sa mga empleyado ng ahensiya.
Kumilos umano ang dating opisyal bilang ganti sa mga empleyadong kumukwestyon sa kaniyang mga polisiya at aktibidad.
Ibinaba ang naturang hatol sa isang desisyon na nilagdaan ni Ombudsman Samuel Martires noong Agosto 30 na inilabas ngayong Lunes.
Una ng sinuspendi si Antiporda ng isang taon. Subalit ayon sa Ombudsman, hindi na maaaring isilbi pa ni Antiporda ang suspensiyon dahil wala na ito sa tanggapan subalit inatasan itong bayaran pa rin ang halagang katumbas ng isang taon nitong sahod bilang NIA acting administrator.
Nag-ugat ang mga reklamo kay Antiporda mula sa queries ng mga opisyal at empleyado kaugnay sa designation nito kung saan pinapatanggal umano ni Antiporda ang “acting” mula sa acting administrator sa kaniyang posisyon.
Ang mga complainants naman na kumwestyon sa utos ni Antiporda ay ginantian umano nito sa pamamagitan ng pagbabawal sa managers ng Central Office na bumiyahe.
Ilang mga opisyal din ang napaulat na nalipat ng destino nang walang valid na basehan.
Subalit sa panig ni Antiporda, una na nitong pinabulaanan ang mga akusasyon ng mga empleyado. Sa ngayon, wala pang inilalabas na komento ang dating NIA official kaugnay sa desisyon ng Ombudsman.