CEBU CITY – Hindi kontento si Senate blue ribbon committee Chairman Richard “Dick” Gordon sa pagsuspinde ng Office of the Ombudsman sa 27 Bureau of Corrections (BuCor) officials.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Senator Gordon, sinabi nito na hindi sapat ang nasabing suspensyon upang itigil na nila ang kanilang imbestigasyon sa kontrobersyal na “Good Conduct Time Allowance (GCTA) for Sale.”
Ayon sa committee chairman, patuloy nilang hahabulin ang totoong nasa likod ng pagbebenta ng GCTA at kanila itong pananagutin sa batas.
Giit ng senador na posibleng lalago pa ang “six months preventive suspension” ng mga BuCor officials at nilinaw na maaari pa nilang imbitahan ang mga ito sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng komite at papatunayan ng husto ang sinasabing bentahan ng GCTA.
Nasa gitna na aniya sila ng imbestigasyon at siniguro na sa huli ay magiging maayos na ang sistema sa pagpapalabas ng mga convicted criminal sa bisa ng GCTA Law.