Itinuturing ng Malacañang na welcome development ang pagsuspinde ng Ombudsman sa halos 30 opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) sa gitna ng kontrobersyal na pagpapatupad sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakakita ng probable cause ang Ombudsman kaya sinuspinde ang mga opisyal ng BuCor.
Ayon kay Sec. Panelo, gaya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tanging hanggad lamang nila ay matukoy ang katotohanan at managot ang mga responsable sa maling pagpapatupad ng batas.
Nabatid na ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang anim na buwang preventive suspension laban sa 27 opisyal ng BuCor matapos makakalap ng inisyal na ebidensyang nag-uugnay sa mga ito sa kinukwestyong paglaya ng 1,914 convicts sa pamamagitan ng GCTA Law.