Tinitignan na ng Office of the Ombudsman ang posibleng paglulunsad ng imbestigasyon sa kontrobersiyal na resort sa loob ng Chocolate Hills protected area sa Bohol.
Subalit tumanggi munang magkomento si Ombudsman Samuel Martires kaugnay sa isyu dahil kasalukuyan pa nitong pinag-aaralan ang hawak nitong impormasyon kaugnay sa naturang usapin.
Aniya, may mga pangalan na ibinigay sa kaniya na sangkot sa naturang kontrobersiya at kaniyang ibinigay ito sa imbestigador para pag-aralan.
Ayon pa sa Ombudsman, mayroong maliit na bahay sa Chocolate hills subalit hindi ito resort bago ito maideklara bilang protected area ni dating Pang. Fidel Ramos noong 1998.
Una ng ipinaliwanag ng DENR noong Miyerkules na kung ang parcel ng lupa ay natituluhan na bago pa ang pagdedeklara dito bilang protected area, dapat umanong kilalanin at respetuhin ang karapatan at interes ng may-ari ng lupa.
Subalit maaari aniyang maipatupad ang ilang restriksiyon o regulasyon sa land use and deployment sa loob ng protected area kahit na para sa privatey owned lands kung ang isang lugar ay idineklara bilang isang protected area.
Una na ngang lumutang ang naturang kontrobersiya matapos na kumalat ang mga larawan at videos ng naturang resort sa social media na matatagpuan sa Libertad Norte sa Sagbayan, Bohol.