Nagsisimula nang bumaba ang omicron wave sa United States sa New York at iba pang malalaking lungsod dito.
Ito ay kahit na umabot sa mga “new highs” ang COVID-19 hospitalizations dito batay sa lagging indicator nito.
Ang trend ng pagtaas sa mga kaso ng omicron na sinusundan ng parehong mabilis na pagbaba ay sumusunod sa mga katulad na pattern na nakita sa Britain at sa South Africa, kung saan unang naitala ang variant noong huling bahagi ng Nobyembre.
Sa lungsod ng New York, ang 7-day average ng mga bagong pang-araw-araw na kaso ay bumababa mula noong Enero 2, matapos na umakyat ito sa 40,000 sa loob lamang ng isang araw na maituturing na isang all-time record.
Base naman sa ipinakitang tracker ng isang opisyal noong Biyernes ay makikita na nasa humigit-kumulang 28,500 ang bilang ng mga bago kaso nito noong Enero 10, mas mataas pa rin kaysa sa anumang nakita sa mga nakaraang waves na dulot ng iba pang mga strain.
Ang mga katulad na pagbaba ay nakikita sa estado ng New York, New Jersey, at Chicago, ang ikatlong pinakamalaking lungsod ng bansa, gayundin sa kabisera ng Washington.
Samantala, ang average naman sa buong bansa ay patuloy pa rin na tumataas na may bilang na mahigit sa 750,000 na mga kaso ng nasabing variant bawat araw, habang ang mga impeksyon ay tumataas rin sa karamihan ng mga estado.
Nakapagtala rin ng mataas na record na nasa mahigit sa 157,000 inpatient bed na inookupahan ng mga pasyenteng may COVID-19 ang Health and Human Services Department.