-- Advertisements --

Iniutos ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa loob ng mga pasilidad nito dahil sa tumataas na bilang ng kaso ng respiratory illness sa bansa.

Sa isang pahayag kahapon, sinabi ng BuCor na kinakailangang magsuot ng face mask ang mga on-duty personnel, bisita at sibilyan.

Ang ibang mga taong pumapasok sa gusali at kampo ng BuCor, gayundin ang mga nakikipagtransaksyon sa mga tanggapan ng ahensya, ay kinakailangan din na magsuot ng face mask.

Dagdag pa, ang mga PDL ay kinakailangan ding magsuot ng face mask sa oras na sila ay nag-avail ng medical consultation at mga laboratory services sa mga prison hospital and infirmaries.

Ang kautusan na ito ay matapos na makapagtala ang Department of Health ng apat na kaso ng “walking pneumonia” sa bansa.

Sinabi ng DOH na ang “walking pneumonia” ay isang nagagamot na bacterial infection na maiiwasan sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum public health protocols.