-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pumirma na sa ONE Championship ang Pinoy mix martial arts (MMA) prodigy na si Jhanlo Mark “The Machine” Sangiao.

Ang tinaguriang “The Machine” ang panganay ng Filipino martial arts pioneer na si Mark Sangiao na siyang founder at head coach ng sikat na Team Lakay.

Laking pasasalamat naman ng 18-anyos na si Jhanlo sa ONE Championship sa ibinigay nilang bihira at mahalagang pagkakataon sa kanya na maipakita ang kanyang kakayahan sa global stage.

Pinasalamatan din nito ang kanyang ama at coach na sumuporta sa kanya noong nagsisimula pa lamang ito sa MMA.

Hawak ni Jhanlo ang 3-0 professional MMA record.

Hindi aniya inasahan na matutupad ang pangarap nito na magkakontrata sa ONE Championship kaya mas nasasabik siya na lumaban gaya ng mga kuya niya sa Team Lakay.

Inilarawan pa ni Jhanlo na iba ito sa mga beteranong fighters ng Team Lakay na kilalang mga striker dahil mula noong amateur ito ay karaniwang tinatapos niya ang kanyang mga laban sa pamamagitan ng ground-and-pound at submissions.

Ipinagmamalaki naman ni coach Mark ang achievement ng kanyang anak at labis ang kanyang galak dahil may magpapatuloy sa kanyang passion at pangarap sa mundo ng martial arts.

Produkto aniya si Jhanlo ng maraming taong pinagdaanan ng Team Lakay at makikita rito ang bagong henerasyon ng team.

Bagama’t malaki ang pressure kay Jhanlo bilang anak ni coach Mark, determinado ito sa kailangang paghahanda sakaling may mga dadating na oportunidad sa kanya.