Pasado na sa committee level ng mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nagbibigay ng P60,000 per academic year allowance para sa bawat pamilyang Pilipino para makapagtapos ang kahit isang college graduate.
Ito ang House Bill (HB) No. 4523 o ang “One Family, One Graduate” bill na akda ni Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael “PM” Vargas para mabigyan ng financial assistance ang mga poorest of the poor sa bansa.
Layunin ng panukalang batas na ito na maitaguyod ang bawat pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng education support na nagkakahalaga ng P60,000 sa bawat academic school year o di naman ay P30,000 sa bawat semester para sa eligible scholars.
Maaaring magamit ang naturang allowance sa pagbabayad sa tuition at iba pang school fees, academic at extra-curricular expenses, textbook allowance, board and loading, transportation, clothing, medical needs, at iba pang valid related education expenses and support services para makumpleto ang student-grantee degree program.
Sa naturang panukala din, malilikha ang isang expanded Student Grants-in-Program for Poverty (ESGP-PA) na eksklusibong ibibigay para sa mahihirap subalit deserving na mga estudyante na kabilang sa indigent households prayoridad ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng gobyerno.
Ayon sa mambabatas na titiyakin ng panukalang batas na ito na wala ni kahit isa ang mapag-iiwanan sa pagtahak ng bansa tungo sa economic recovery.