-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Naging maayos ang isinagawang simulation exercise ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Aklan sa Kalibo International Airport.

Ayon kay CAAP Aklan manager Engr. Eusebio Monserate Jr., nasa 152 katao ang nakibahagi sa nasabing aktibidad, kung saan, layunin nito na malaman ang kahandaan ng paliparan sa oras na mabigyan ng “go signal” ng lokal na pamahalaan ang pag-resume ng kanilang domestic flights.

Maituturing aniya itong “one flight simulation exercise” ng isang Airbus A320 plane kahit na walang actual na eroplano.

Mahigpit na ipinapatupad sa mga pasahero ang pagsusuot ng face mask at social distancing sa pre-departure area at sa passenger terminal building bilang bahagi ng new normal protocol.

Pinag-aralan din nila kung paanong mas pang mapaayos ang sistema sa pag-sanitize ng mga pasahero kung saan, required silang mag-fill up sa health declaration card.

Ang simulation exercise ay nilahukan ng provincial government, Philippine National Police (PNP), Department of Tourism (DoT) at Department of Health (DoH).