ILOILO CITY- Pinaghahandaan ng mga local government units (LGU) ang paglunsad ng One Panay Intiative, na siyang gagamitin upang muling maibangon ang ekonomiya ng bawat lungsod at lalawigan na sakop ng Panay Island mula sa epekto ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo may Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na gagawin nila ang lahat upang maisaayos at maibangon muli ang ekonomiya.
Ayon kay Treñas, ang lungsod ng Iloilo ang nagsisilbing sentro ng kalakalan kung kaya’t kinakailangan na matiyak na unti-unting makakabalik sa kani-kanilang mga trabaho ang bawat empleyado.
Anya, dadaan sa masusing pagsusuri ang mga hakbang na gagawin upang maiwasan ang pagkalat ng virus, at mahigpit na ipapatupad ang pagsusuot ng facemask at physical distancing.
Napag-alaman na isasailalim sa Modified General Community Quarantine ang buong Panay sa darating na Mayo 16, 2020.