BOMBO DAGUPAN – Pinag-iisipan ng One Pangasinan Transport Federation kung alin sa kanilang mga modern jeepney choices ang kanilang pipiliin bilang pampalit sa mga tradisyunal na jeepney.
Ayon sa Presidente nito na si Bernard Tuliao, kung saan sila makakamura, iyon ang kanilang pipiliin.
Kaugnay nito, mayroon kasi aniyang early pronouncement si Former Ilocos Sur Governor Chavit Singson na siya na ang bahala sa kanilang magagastos sa kanilang pambili ngunit tinitignan din nilang anggulo ang proposal ni Elmer Francisco na siyang local manufacturer ng Modern Jeepney/Francisco Motors.
Wala naman aniyang sinabi ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung anong partikular na klase ng sasakyan ang kanilang bibilhin basta Philippine National Standard at pasado sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ang kanila aniyang basehan bukod sa mura ang presyo, tinitignan nila ang reliability ng sasakyan.
Kung makikita kasi aniya ang mga lumalabas ngayong modernized vehicle, hindi solido ang pagkakagawa, hindi tulad ng gawang Pilipino na matitibay at umaabot pa ng 30 taon.