Buo ang paniniwala ni Sen. Panfilo Lacson na makakatyulong ng husto sa kampaniya kontra terorismo at mga karumaldumal na krimen ang inihain niyang Senate Bill 1187 o one party consent sa wiretapping.
Sinabi ni Lacson na ang panukala ay kaugnay sa pagtugaygay sa communication line ng hinihinalang sangkot sa mga krimen, kasama na ang treason, rebellion, kudeta, sedition, kidnapping, robbery in band, drug related offenses, money laundering, plunder, bribery at corruption of public officials, gayundin ang pang-eespiya.
Matatawag umano iyon na consensual monitoring kung saan maaring mai-record ang isang pribadong pag-uusap kung ang isa sa dalawang partido ay pumayag na mapakinggan ang komunikasyon.
Sa paraang ito, mapapabilis ang proseso para sa pagtukoy sa mga banta sa seguridad, dahil hindi na kakailanganin pa ang pagpayag ng hukuman.
Tiniyak naman ng senador na magagarantiyahan pa rin ang ‘right to privacy’ sa kabila ng pag-iral ng nasabing batas.