Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mahigpit na ipapatupad ang “one strike policy” ngayong holiday season.
Ito’y bahagi sa inilabas na memorandum sa lahat ng mga direktor ng PNP national support units at regional police directors sa buong bansa.
Ayon kay PNP Public Safety Chief, Pol. S/Supt. Randolf Dimas, nilalaman ng memo kaugnay sa mga incident of deaths and injuries na resulta ng indiscriminate firing lalo na sa Christmas at New Year.
Malinaw aniya sa memo na kailangan maresolba agad ang mga naitalang kaso ng pagpatay sa loob ng 24 oras upang hindi masibak sa puwesto ang mga station at police commanders maging ng regional directors.
Batay sa datos ng PNP, nasa 22 kaso ng stray bullets ang naitala ng PNP sa buong bansa noong nakalipas na taon kung saan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ang siyang pinakamarami.
Habang nakapagtala naman ang PNP ng nasa 100 firecracker injuries sa buong Pilipinas.
Sinabi ni Dimas na tututukan nila ang mga lugar na mataas ang kaso ng stray bullet.