-- Advertisements --

Naninindigan ang pamunuan ng Bulacan-Police Provincial Office (PPO) na legitimate ang kanilang isinagawang one time big time operation na ikinasawi ng 32 na indibidwal sa loob lamang ng 24 oras na anti-illegal drug campaign sa buong probinsiya.

Ayon kay Bulacan-PPO Pol. S/Supt. Romeo Caramat, ang mga nasawi sa kanilang one time big time operations ay mga notorious drug personalities na kumikilos sa Bulacan.

Sinabi ni Caramat na sa nasabing bilang, 26 ang nasawi sa buy bust operation, lima sa pagsisilbi ng search warrant at isa sa hiwalay pang operasyon.

Binigyang-diin ni Caramat na hindi nila ginusto na marami ang namatay sa kanilang operasyon subalit hindi nila hawak ang sitwasyon.

Maingat aniya sila sa kanilang operasyon at hindi malalabag ang karapatang pantao ng mga suspek.

Dagdag nito na isang buwan pinagplanuhan ng Bulacan-PPO ang nasabing operasyon at target nila ang August 15 para sa 24 hour one time big time operation.

Ipinagmalaki ng Bulacan-PPO ang kanilang accomplishment kung saan nasa P20 milyong halaga ng ipinagbabawal na gamot ang nakumpiska.