-- Advertisements --
Lakers vs miami
Los Angeles Lakers vs Miami Heat (photo from Lakers/YouTube)

Gumanti ang Los Angeles Lakers mula sa kanilang pagkatalo sa Game 3 upang ibulsa ang panalo sa Game 4 sa score na 102-96.

Isang panalo na lamang ang kailangan ng Lakers upang tanghaling kampeon makalipas ang isang dekada.

Maaaring maganap ito sa darating na Sabado sa Game 5, simula alas-9:00 ng umaga, lalo na at 3-1 na ang abanse ng Lakers.

Hindi rin umubra sa Heat ang pagbabalik ng kanilang big man na si Bam Adebayo mula sa neck injury.

Sa opening half naging gitgitan pa ang laban lalo na at ang Lakers superstar na si LeBron James ay umabot sa pito ang turnovers.

Pero sa huli bumawi sa kanyang performance si James, na sinamahan pa nina Anthony Davis at Kentavious Caldwell-Pope para magtuloy-tuloy ang kanilang maayos na opensa hanggang sa fourth quarter.

lakers james

Nagtapos si James na may halos triple double performance nang iposte ang 28 points, 10 rebounds at eight assists, habang si Davis ay nagdagdag ng 22 points, nine rebounds at four assists.

Hindi rin nagpahuli si KCP na may 15 points at five assists.

Ang iba pang Lakers players ay may kabuuang siyam na three-pointers upang pigilan na makaabanse pa sa huling 20 minuto ang Heat na naghabol na lang sa tambol mayor.

Sa panig ng Miami nalimitahan si Jimmy Butler sa 22 points mula sa 40 puntos sa Game 3.

Samantala nasayang naman ang 21 points mula sa rookie na si Tyler Herro, 17 kay Duncan Robinson at 15 puntos kay Adebayo.

Inabot din ng 33 minutos sa loob ng court si Adebayo upang bantayan si Davis.

Para kay Butler, tama siya sa pagsasabing ibang klaseng team ang Lakers dahil muli itong babangon.

“They are really, really good team and we’ve got to play damn near perfect to beat them,” pag-amin muli ni Butler. “We didn’t do that tonight… learn from it but we can’t lose another one.”

Sinabi naman ni James, hindi pa tapos ang kanilang kampanya pero nagustuhan daw niya ang kanilang mga diskarte sa Game 4.

Batay naman sa kasaysayan ng NBA, ito na ang ika-36 na beses na umabot sa 3-1 lead ang NBA Finals.

Sa naturang bilang ang mga teams na abanse ang siyang tinanghal na kampeon liban lamang noong taong 2016 nang ma-upset ng Cavs nina LeBron ang Warriors sa pamamagitan ng tatlong sunod na panalo upang masungkit ang korona.