Pinalawig pa hanggang sa June 7, Biyernes, ang online application para sa mga estudyanteng nais mag-avail ng Senior High School voucher ng pamahalaan.
Ito ang inanunsyo ni Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones matapos pangunahan ang flag ceremony sa Signal Village National High School, Taguig City, nitong umaga.
Ayon sa kalihim, karapatan ng bawat mag-aaral na makapag-avail ng voucher program para makatawid mula junior patungong senior high school.
Nabatid kasi ng DepEd na mababa pa ang bilang ng junior high completers na nakatugon sa kanilang online application para sa senior high vouchers nang magsara ito kahapon, June 2.
Nauna nang sinabi ni Briones na mananatiling prayoridad ng kagawaran ang voucher program sa kabila ng delay na pagpirma sa 2019 national budget. Gayundin na mandato ito sa ilalim ng Republic Act 10533 o Enhanced Basic Education Act.
Bukod dito, tumugon din ang Education secretary sa iba’t-ibang issue sa sektor ng edukasyon gaya ng mga paaralan na kulang pa rin sa pasilidad at gamit, panukalang pagpapalawig ng drug education at dagdag sahod ng mga guro.
Ani Briones, nagpapatuloy ang konstruksyon ng higit 40,000 classrooms sa buong bansa. Hindi naman ito kumbinsido sa drug education para sa K-12 curriculum, habang dadaan pa rin sa masusing pag-aaral ang isinusulong na wage hike sa mga guro.
Batay sa datos ng DepEd, aabot sa 22.7-milyon ang bilang ng mga estudyante nagbalik eskwela ngayong araw sa buong bansa para sa public elementary at high school.