Target ilunsad ng Department of Health (DOH) ang isang online consultation system para sa mga pasyenteng dinapuan ng mpox sa buong bansa.
Ayon kay Health Assistant Secretary Albert Domingo, sa ilalim ng national action plan laban sa mpox, target ng ahensiya na humingi ng tulong mula sa Philippine Dermatological Society sa pagset-up ng website kung saan maaaring komunsulta ang suspect case o ang mga nakakaranas ng mga sintomas ng sakit.
Tinitignan din ng DOH na hingin ang tulong ng mga eksperto mula sa PH Dermatological Society, PH Society for Microbiology and Infectious Diseases at Pediatric Infectious Diseases Society of the Philippines para gawing mas accessible ang screening, testing at referral ng mpox patients.
Samantala, nagbabala naman ang ahensiya laban sa paguulat ng mga hindi kumpirmadong kaso ng mpox. Marami kasi aniya ang uri ng sakit sa balat na napagkakamalang mpox gaya ng chickenpox, shingles o buni.
Hinimok naman ng DOH ang mga lokal na pamahalaan na bago mag-isyu ng advisories kaugnay sa mpox cases sa kanilang nasasakupan dapat na ito ay suportado ng sapat na scientific evidence para maiwasan na magdulot ito ng pangamba at kalituhan sa publiko.
-- Advertisements --