LA UNION – Takot ngayon ang namamayani sa isang delivery boy matapos ang nangyaring pamamaril kung saan namatay ang online shopping courier makaraang pagbabarilin ng mga nangholdap sa kanya sa kahabaan ng Gov. Joaquin Ortega Ave., sa Barangay Madayegdeg sa lungsod ng San Fernando, La Union kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Franklin Edjan, residente ng Barangay Catbangen sa lalawigan, sinabi nito na may pangamba rin itong naramdaman matapos na malaman ang nangyari sa kapwa nito courier.
Ayon kay Edjan, bagama’t may nangyari na rin na kaparehong insidente sa mga na kasamahan nito ay pera lamang umano ang kinukuha sa kanila ng mga masasamang loob.
Aniya, kaligtasan pa rin nito ang kanyang iniisip kung may delivery ito lalo na kung bago ang kanyang mga costumer ay hindi agad umano nito pinupuntahan.
Dagdag pa nito, sinabihan na rin sila ng kanilang opisina na ugaliin na mag-ingat sa kanilang delivery.
Una rito, pinagbabaril ng riding in tandem suspects ang biktima na si Benn McClaude Madayag, 35, residente sa bayan ng Bauang matapos nila itong holdapin.