-- Advertisements --

Inilunsad ng Department of Science and Technology(DOST) ang isang online heat index monitoring platform na tinawag na iHeatMap.

Ito ay kasabay ng patuloy na pagdanas ng Pilipinas ng mas mataas na temperatura, at mas mainit at mas tuyot na panahon kung saan iba’t-ibang sektor ang gumagawa ng mga kaparaanan upang maibsan ang epekto nito sa kalusugan ng publiko.

Ayon sa DOST, makakatulong ang inilunsad na Interactive Heat Index Mapping and Prediction (iHeatMap) platform para masuportahan ang bawat sector na gumagawa ng akmang hakbang laban sa mataas na heat index.

Sa pamamagitan nito, makakapagbigay ang DOST ng real-time heat index data na maaaring gamitin ng bawat isa.

Kabilang sa mga nakapaloob dito ay ang mga sumusunod:

  1. High-resolution heat index information na nakapaloob sa mga ‘grid’ para mas madaling maintindihan at ma-monitor.
  2. Color-coded alert system na nagpapakita ng akmang danger level.
  3. Oras-oras na forecast
  4. User-friendly interface na maaari lang magamit para sa desktop browsing.

Ayon sa DOST, maaari itong gamiting basehan ng mga eskwelahan sa kanilang pag-adjust sa oras ng klase o pagkansela ng klase; basehan sa pagtatakda ng mga construction works, basehan sa pagtatakda ng heat breaks para sa mga outdoor workers tulad ng mga traffic enforcer at mga street sweeper, atbpa.

Maaari namang ma-access ang naturang platform sa pamamagitan ng official website ng DOST at ng state weather bureau.